Monday, August 17, 2009

Babae sa Sala (Story Of An Unseen Boarder) Part I

Lumuwas si Rocky sa Manila upang asikasuhin ang mga papeles ng kanyang ama na kaka retiro lang sa serbisyo ng pulisya. Tubong South Cotabato si Rocky at minsanan lang magkaroon ng pagkakataon na sya ay maka luwas sa Manila kaya naman sinamantala nya ang pag kakataon para dalawin ang kanyang tyahin na si Aling Linda na nakatira sa Pasig.

Mga alas tres na ng hapon ng sya ay naka rating sa bahay ng tyahin at tuwang tuwa itong sinalubong ang pamangkin at na agad naman nyang pinaupo sa sala para yayahing mag kwentuhan.

May pagka makwento si Aling Linda, palibhasa ay matagal tagal din silang hindi nagkita mag kakamag anak.

"Kamusta na nga pala ang papa mo? Tanong ng tyahin... "Ayus lang po, kaso hindi na po talaga nya kayang mag byahe para asiksuhin ang mga papeles nya para sa pension" sagot naman ni Rocky.

"Ay teka! Ang dagal nating nag uusap pero hindi man lang kita na alok ng soft drinks... wala kasing mautusan e, saglit kukuha ako" tumayo ang tyahin nya patungong kusina habang sya ay naiwang nakaupo sa sala at nagmamasid-masid sa loob ng bahay ng tyahin.

"Malaki na rin pala ang pinag-bago ng bahay na ito... kamusta na kaya yung mga pinsan ko?" sa isip-isip ni Rocky.

"O heto inum ka muna, kung gusto mo ng pagkain meron pa akong puto dyan sa ref..." Alok ni Aling Linda.

"Naku wag na tiya, ok na ako dito..." sagot naman ng pamangkin.

Nag patuloy ang kwentuhan ng dalawa... dahil parehas bisaya, malalakas ang mga boses na panay hagalpakan ng hagalpakan. Makaraan ang ilang minuto may napansin si Rocky na isang babaeng nakaputi, balingkinitan at mahaba ang buhok na nakalugay na lumabas ng kwarto at umikot sa may kusina bago umupo sa tabi nya.

Nginitian nya ito ngunit walang imik yung babae. "Tiya, ang ingay natin nakakaistorbo na ata tayo sa mga borders nyo..." alala ng pamangkin.

"Naku wag mong intindihin yun, minsan lang naman eh he he he" sagot ni Aling Linda.

Inaantay ni Rocky na ipakilala ng tyahin nya yung boarder na nakisalo sa kanilang kwentuhan pero parang libang na libang si Aling Linda kaya't hindi na lang nya pinutol sa pagkukwento ang tyahin at baka mabitin pa.

Napansin ni Rocky sa gilid ng kanyang kaliwang mata kung saan nakaupo yung babae na parang may nakatitig sa kanya. Habang nakikinig sya sa kwento ng tyahin ay hindi na maiwasang hindi makaramdam ng pag kailang dahil pakiramdam nya may kung anong pagkaasiwa ang bumabalot sa kanyang katawan noong mga oras na iyon.

Hanggang sa hindi na sya nakatiis... dahan dahan nyang nilingon ang babae sa kanyang kaliwa at nakakakilabot ang kanyang nakita. Titig na titig nga ito at parang nalilisik ang mga mata. Kahit kurap ay hindi nito ginagalaw ang mata. Parang sasabog ang dibdib ni Rocky ng mga oras na iyon. Hinabol nya ang kanyang hininga at tayong tayo ang kanyang mga balahibo...

"Argghhh...." nauutal na bigkas ni Rocky pero hindi nya magwang mag salita. Si Aling Linda na naman ay parang walang alam sa nangyayri sa kanya at tuloy pa rin sa pagkukuwento.

Dahan-dahang tumayo ang babae pero hindi pa rin nito inaalis ang pagkakatitig nito sa kanya. Sa di maipaliwanag na dahilan, hindi nya rin naman maalis ang kanyang mata sa pagkakatingin sa babae. Marahil ay inaantay nya rin kung ano ang mga susunod na gagawin ng babaeng nakaputi kaya't ayaw nya ring alisin ito sa kanyang paningin.

Dumaan sa harapan ng mag tyahin ang babae at dahan dahan na umikot sa sala patungong banyo... hanggang sa huling sandali ay nakatitig pa rin ang mga nanlilisik na mata ng babae kay Rocky.

Pag dating sa may pintuan ng banyo ay bigla na lang itong naglaho...

"Hoy Rocky! Bat parang natulala ka na dyan?" Tanong ni Aling Linda sa pamangkin...

"Tiya, bat ganun makatitig yung boarder nyo sa akin?" tanong naman ni Rocky... "Parang nakakatakot yung kilos nya..." dugtong pa nito.

"Border? Sinong Boarder?" Usisa ni Aling Linda.

"Yung babaeng nakaputi na galing sa loob ng kwartong iyon at tumabi sa akin dito... kakalis nga lang eh" sabi ni Rocky

"Huh?! walang tao dito kundi tayong dalawa lang, mamayang gabi pa ang dating nga mga borders ko dahil may pasok yung mga iyon sa trabaho..." gulat na sagot naman ng tyahin.

Agad na bumalikwas ang dalawa at nagtungo sa banyo kung saan huling nakita ni Rocky yung babae pero wala naman silang nakitang tao doon. Binalikan din nila yung kwartong pinanggalingan pero wala silang nakita miski bakas ng babae yun...

Gusto na sanang magpaalam ni Rocky dahil sa takot pero pinigilan muna syang umalis ni Aling Linda. Nakiusap muna itong antaying maka uwi ang mga kasama nya sa bahay bago sya iwan nito. Agad silang lumabas ng bahay at doon na lang itinuloy ang naudlot na kwentuan... yun nga lang hindi na ito kasing saya kagaya ng kwentuhan nila bago nakiupo ang babae sa sala...

May Karugtong...

Copyright © Untold Pinoy Stories August 18,2009
Got your own ghost experience? Email us at buchichay@gmail.com to share your stories.


Wednesday, August 12, 2009

Nuno Sa Punso

“Ogie! Titan! Ayaw pagluwas kay nangalasdose! Badi makasagi sin tawo na diri naiimod!” yan ang mahigpit na kabilin-bilinan ng aming mga kamag anak ng unang beses kaming makatungtong sa probinsya namin sa isang bario ng Sorsogon.


Grade one pa lang ako nun at si kuya naman ay nasa grade three na... Taga Bicol ang papa ko habang ang mama ko naman ay tubong Manila. Sa Manila kami pinanganak at lumaki at dahil ito ang unang beses namin makaranas ng bakasyon sa malayong probinsya, sabik na sabik kaming mag gala gala...


Hindi pa maayos ang mga daanan noon papuntang Bicol kaya umabot ng labing anim na oras ang byahe namin sa bus mula Maynila hanggang Bicol. Dapit hapon nung umalis kami sa Manila at mga pasado alas onse na ng umaga kinabukasan noong kami ay makarating sa aming bahay sa probinsya.


Abala noon ang aming mga kamag anak sa pag estima sa amin. Palibhasa sa aming pamilya kami lang ang medyo nakakaluwag noong panahon na yun dahil sa pag abroad ni papa kaya asikasong asikaso kami.


Maganda ang probinsya namin, sariwang hangin, malawak at madaming puno't halaman... kaya naman, kahit pinagbabawalan e na enganyo kaming mag kapatid na mamasyal sa paligid ng aming malawak na bakuran.


Sinamantala namin ang pagiging abala ng lahat at tumalilis kami papuntang bayabasan namin... malapit na kami sa pinakagitna ng bayabasan ng nakasalubong namin ang aming tiyuhin. Agad nya kaming sinama pabalik sa bahay. Nag tingin lang pala sya ng buko na pwede nyang kunin para maihanda daw sa amin.


“Eh tito, bakit hindi nyo pa kunin ngayon tamang tama kakaiin tayo ng tanghalian... masarap sana yun kung may kasabay na buko juice?” Tanong ng aking kuya.


“Hindi pwede ngayon, mamaya na... mga bandang alas tres kasi nangalasdose na eh.” sagot naman ng aming tito gomer.


Bigla kong naalala yung bilin sa amin ng mga kamag anak namin kanina noong pinagbabawalan kaming lumabas...


“Ano ba meron kung alas dose? Bakit hindi kami pwedeng mamasyal?” Usisa ko naman...


“Alam nyo, ang alsa dose ng tanghali ang oras na naglalabasan ang mga taong hindi nyo nakikita. Kaya kung mapapansin nyo, halos walang laman ang kalsada dito sa mga oras na iyon dahil takot silang makasagi ng mga nuno sa punso. Pag nasagi mo kasi sila hindi mo alam kung anong mangyayari sa iyo...” Paliwanag ng aming tiyuhin.


Nakabalik na kami sa bahay at tuloy na ngang kumain ng tanghalian. Pagdating ng hapon ay muli naming pinag usapan ni kuya ang tungkol sa paliwanag ng aming tyuhin pero hindi pa rin kaming kumbinsidong totoo nga ang nuno sa punso. Parehas kaming naniniwalang gawa gawa lang nila ito para di kami lumbas ng bahay tuwing alas dose ng tanghali dahil sobrang init nga naman para mag laro. Oras din ito ng pahinga ng matatanda kaya walang may gustong magbantay sa amin kung lalabas kami sa pagitan ng oras na iyon...


Kinabukasan ay malaya kaming nakapag laro at namitas ng mga bayabas noong umaga... pero ng malapit na ulit ang alas dose ng tanghali ay muli na naman kaming pina uwi at pinagbawalang lumabas.


Kahit masama sa loob namin ay agad din naman kaming sumunod sa mga matatanda... yun nga lang tuloy pa rin kami sa pag lalaro. Gamit ang mga tirador ng lolo ay nilibang namin ang mga sarili sa pag asinta sa mga malalapad na dahon sa labas ng aming bakuran habang kaming dalawa ay naka pwesto sa aming tarankahan.


Tirador dito... tirador doon... tuwang tuwa kaming nagpaulan ng bato sa labasan noong mga oras na iyon.


Makalipas ang ilang saglit, biglang nanghina ang aking kapatid. Halos mawalan na sya ng malay sa sobrang panghihina nya. Agad kong tinawag ang aking mama at pinasok namin sya sa kwarto. Ang bilis ng mga pangyayari... bigla na lang syang dinapuan ng mataas na lagnat.Nakaka takot ang init ng katawan ni kuya noon, pakiramdam ko e ilang minuto pa ang lumipas ay di na sya mag tatagal.


Matapos ang mga sampung minuto ay nasaksihan ko ang pagbabago ng hitsura sa mukha ng aking kuya. Ang makinis nyang mukhang ay nag mistulang ginulpi at kinaskas sa magaspang na semento. Ang nakakapagtaka lang ay wala namang gumagalaw sa mukha ng aking kapatid.


Agad na nagpatawag ng albularyo ang aking lola... patakbong sinundo ng aking tito si tata Inge, ang pinakamalapit na albularyo sa aming bahay. Medyo mga ilang minutong lakaran din ang layo nito pero sa pagkakataon na ito ay parang sya lang talaga ang pag asa namin para magamot ang aking kuya.


Nang marinig ni tata Igne ang nangyari kay kuya ay agad itong tinigil ang kanyang ginagawa at kinuha ang kayang mga kagamitan sa panggagamot. Matandang matanda na si tata igne at may kabagalan na rin itong maglakad pero nakikita kung pinipilit nyang magmadali na parang may hinahabol na pagkakataong hindi pwedeng ipagpaliban...


Pag dating sa bahay ay agad nyang tiningnan ang aking kapatid na noon ay punong puno na ng sugat at dugo sa kanyang mukha.


“Na nuno ito!” sabi ni tata igne...


Sobrang taka ko pa rin kung paano nangyari ang lahat na iyon... “totoo nga kaya ang nuno sa punso?” tanong ko sa aking sarili.


Humingi si tata igne ng pinggan kay lola at binigyan naman nya ito ng kulay puti at gawa sa bakal na makalumang pinggan. Pinahiran ito ng albularyo ng dala nyang kulay berdeng langis at nagsindi ng gasera. Habang nag uusal sya ng orasyon ay pina ikot ikot nya ang pinggan sa ibabaw ng may sinding gasera. Ang maiitim na usok ng gasera ay unti unting nagiwan ng marka sa pinggan at nag hugis ito ng animo'y maliit na tao... kakaiba ito sa mga tawas na nasaksihan ko na dahil detalyado ang hugis ng maliit na taong ito na naka porma sa pinggan.


“Ano ang ginagawa nyo bago mangyari ito sa kuya mo?” Usisa ng matandang albularyo...


“Nag titirador lang po kami sa labas...” sagot ko naman.


“Alam nyo ba kung ano yung ginawa nyo? May natamaang nuno sa punso ang kuya mo sa mukha at nag iwan ito ng napakalaking sugat sa mukha ng taong hindi nakikita kaya nagalit ang ama nito at pinaramdam sa kuya mo kung ano ang pinagdadaan ng kanyang anak sa ngayon.” paliwanag ni tata Igne.


Agad syang napakuha ng isang manok upang gawing alay sa nuno sa punso. Lumabas si tata Igne at doon isinagawa ang ritwal ng paghingi ng tawad at pag-aalay...


Matapos sambitin ang orasyon ay ginilitan nya ng leeg ang manok at ikinalat ang dugo nito sa lupa kung saan kami nag aasinta ng tirador. Sinunog nya rin ang manok at iniwan sa gitna ng bayabasan. Matapos ang ilang saglit ay kusang lumabas ng kwarto ang aking kapatid na parang wang nangyari. Biglang nawala ang kayang lagnat maging ang mga sugat at dugo sa kanyang mukha. Sinubukan kung hanapin ulit ang manok na iyon pagsapit ng hapon pero wala akong nakita kahit na bakas lang ng alay na iyon.


Hanggang ngayon ay nanatiling palaisipan pa rin sa akin kung ano ba talaga ang nangyari noong araw na iyon... isa itong karanasang nag turo sa akin ng katotohanang may mga nilalang ang Diyos na hindi nakikita ng ating mga mata. Nilalang na tulad natin ay nangangailangan din ng respeto at puwang sa mundong ito.


“Tabi tabi po, mga nuno sa punso...”


Copyright © Untold Pinoy Stories August 12,2009
Got your own ghost experience? Email us at
buchichay@gmail.com to share your stories.

























Monday, August 10, 2009

Voice Tape

Tandang tanda ko pa ang mga pangyayaring ito... sa murang edad ay nasaksihan ko kung paano mag paramdam ang isang namayapa na. Ito na rin marahil ang pangunahing dahilan kung bakit ganito na lang ang interes ko sa mga kaluluwang ligaw at sa kanilang mga kwento noong sila ay nabubuhay pa.


Nagsimula ang lahat noong early 80's, kasabay noong ako ay matuto ring mag usal ng dasal. Bunsong anak ako dalawang mag kapatid. Nakatira kami sa isang maliit na kwarto sa taas ng isang tindahan sa gitna ng magulong baranggay ng Pandacan. Ang hitsura ng aming bahay ay parang isang malaking bahay na pinag hati-hati sa tatlong kwarto at isa isang pinaupahan sa ibat ibang pamilya. Mistulang bahay ito ng kalapati na pinalaki. Marami itong pinto at lagusan sa kabilang kwarto kung gusto mong mangapit bahay.


Kasama ko sa aming inuupahang bahay ang aking mama at kuya habang ang aking papa naman ay nasa Saudi upang doon maghanapbuhay para mabigyan kami ng mas maayos buhay.


Gaya ng ibang pamilya ng mga OFW noong mga panahon na iyon, nakaugaliaan na namin ang mag padala ng voice tape sa aming papa upang maibsan man lang kahit kaunti ang pangungulila nya sa amin. Gamit ang hiniram naming casette tape recorder sa katabing kwarto, inumpisahan naming mag record ng aming mga boses... at dahil nga bata pa ako nun at mahilig mag pa-bibo, naisipan kong mag record ng isang maikling dasal upang ipakita sa papa ko na marunong na akong manalangin sa edad na apat na taon...


Sa munti kong tinig aking sinabi


“Jesus, sana po ay ingatan mo ang aking papa... sana na po ay wag syang magkakasakit... bigyan nyo rin po kami ng magandang laruan at remote control na kotse... amen..”


Nagtawanan sila kuya at mama noon... hininto namin ang recording at excited silang I-play back yung tape para marinig kung ok ba ang pagkaka record.


Ang inaasahan naming cute na recording ay sya ring gumimbal sa aming lahat. Nawala ang dasal na aking ni-record ilang saglit lang ang nakakaraan at napalitan ng mala-demonyong boses ng patay. Sariwa pa sa aking alala ang boses na aking narining mula sa voice tape na iyon... isang boses ng matandang lalaki na animo'y nang gagaling sa hukay...


Baaakkkkiiiittttt mmaaddaaminggg tttaaaooo ddiitooo..... paaiiikkkkootttt iiiikkkooottt....”


Namutla ang aking mama habang pinakikinggan ang nakakapangilabot na tinig na ito. Ang kuya ko naman ay hindi alam kung tatakbo o magtatago sa sobrang takot. Nabalot din ng takot ang aking katawan pero mas pinili kong manatiling kalmado, siguro dahil na rin sa murang edad ko nangangapa pa ako kung ano ba talaga ang nangyayari.


Agad na tinawag ng aking mama yung mag asawang nakatira sa kabilang kwarto upang iparinig sa kanila ang voice tape na iyon... muli ay ni-rewind yung tape at pinatugtog...


Nandun pa rin ang boses ng matandang lalaki pero iba na ang kanyang sinasabi...


ppaaappppaaaa.... bbbbaaaakkkiiiittt mmmoooo aaakkkoooo iiiinnnniiiiwwwaaannnn..... (Sabay hinga ng malalim)... hhhaaaaaarrrrrrrrrrrr......”


Sa gulat ng kabitbahay namin ay nabitawan nya ang casette player at ito ay nasira. Di na kami pinagbayad kasi sya naman ang nakasira nung player nila pero yung tape ay di na namin muling nakita.


Mula noon ay sunod sunod na ang pagpaparamdam ng multo sa aming bahay. May mga pagkakataon na umaalis kami at pag dating namin ay magulo na ang mga gamit sa bahay namin... Hindi ito ang tipo ng gulong animo'y ninakawan, magulo dahil ang mga gamit namin ay mga wala na sa pwesto. Ang orasan namin at nasa lamesa sa may kusina imbes nasa dingding sa sala, yung bentelador naman ay umaandar ng hindi nakasaksak gayong wala naman kaming bintana para daluyan ng hangin, nababago ang pwesto ng mga upuan at kung ano ano pa.


May bata rin kaming nakikitang sumusilip mula sa aming pintuan habang kami ay nangangapit bahay at nung habulin namin ay naka lock naman ang pintuan namin kaya imposibleng mag karoon ng tao sa loob ng kwarto namin.


Di na kami nakatiis at tinanong na namin yung may ari ng bahay kung anong kwento meron ang kwarto na iyon at ganun na lang ang mga nararamdaman namin. Kinumpirma ni Mang Roger, may ari ng bahay na namatayan sila ng anak sa kwarto na iton ilang taon na ang nakakalipas. Namatay ang bata nung nahulog ito sa hagdan dahil wala itong kasama nung mga oras na iyon.


Agad naming pinabendisyunan ang kwarto na iyon... pansamantalang tumigil ang mga pagpaparamdam pero may pagkakataon pa ring nakikita pa rin ni mama ang bata na tumatakbo takbo paikot sa higaan naming magkapatid habang kami ay mahimbing na natutulog. Tawa daw ito ng tawa at sa gitna ng dilim ay bigla na lang mawawala.


Hindi na rin kami tumagal pa ng dalawang buwan at pinasya na lang nila mama na lumipat kami ng ibang tirahan. Sa pag aakalang ito pinakamabuting gawin upang i-iwas kaming mag kapatid sa mga kaluluwang ligaw... ngunit nag kamali sila... sa dami ng mga sumunod na kababalaghang nangyari sa aking buhay, napatunayan ko na nasa paligid lang natin ang mga kaluluwang ito... sa tuwing tumatayo ang ating mga balahibo, naririyan lang sila sa ating tabi. Nag mamasid at nag aantay ng pagkakataong makalabit ka at ipakita ang kanilang sarili...




Copyright © Untold Pinoy Stories August 11,2009
Got your own ghost experience? Email us at buchichay@gmail.com to share your stories.




 
Blogger Templates by Wishafriend.com