Monday, August 10, 2009

Voice Tape

Tandang tanda ko pa ang mga pangyayaring ito... sa murang edad ay nasaksihan ko kung paano mag paramdam ang isang namayapa na. Ito na rin marahil ang pangunahing dahilan kung bakit ganito na lang ang interes ko sa mga kaluluwang ligaw at sa kanilang mga kwento noong sila ay nabubuhay pa.


Nagsimula ang lahat noong early 80's, kasabay noong ako ay matuto ring mag usal ng dasal. Bunsong anak ako dalawang mag kapatid. Nakatira kami sa isang maliit na kwarto sa taas ng isang tindahan sa gitna ng magulong baranggay ng Pandacan. Ang hitsura ng aming bahay ay parang isang malaking bahay na pinag hati-hati sa tatlong kwarto at isa isang pinaupahan sa ibat ibang pamilya. Mistulang bahay ito ng kalapati na pinalaki. Marami itong pinto at lagusan sa kabilang kwarto kung gusto mong mangapit bahay.


Kasama ko sa aming inuupahang bahay ang aking mama at kuya habang ang aking papa naman ay nasa Saudi upang doon maghanapbuhay para mabigyan kami ng mas maayos buhay.


Gaya ng ibang pamilya ng mga OFW noong mga panahon na iyon, nakaugaliaan na namin ang mag padala ng voice tape sa aming papa upang maibsan man lang kahit kaunti ang pangungulila nya sa amin. Gamit ang hiniram naming casette tape recorder sa katabing kwarto, inumpisahan naming mag record ng aming mga boses... at dahil nga bata pa ako nun at mahilig mag pa-bibo, naisipan kong mag record ng isang maikling dasal upang ipakita sa papa ko na marunong na akong manalangin sa edad na apat na taon...


Sa munti kong tinig aking sinabi


“Jesus, sana po ay ingatan mo ang aking papa... sana na po ay wag syang magkakasakit... bigyan nyo rin po kami ng magandang laruan at remote control na kotse... amen..”


Nagtawanan sila kuya at mama noon... hininto namin ang recording at excited silang I-play back yung tape para marinig kung ok ba ang pagkaka record.


Ang inaasahan naming cute na recording ay sya ring gumimbal sa aming lahat. Nawala ang dasal na aking ni-record ilang saglit lang ang nakakaraan at napalitan ng mala-demonyong boses ng patay. Sariwa pa sa aking alala ang boses na aking narining mula sa voice tape na iyon... isang boses ng matandang lalaki na animo'y nang gagaling sa hukay...


Baaakkkkiiiittttt mmaaddaaminggg tttaaaooo ddiitooo..... paaiiikkkkootttt iiiikkkooottt....”


Namutla ang aking mama habang pinakikinggan ang nakakapangilabot na tinig na ito. Ang kuya ko naman ay hindi alam kung tatakbo o magtatago sa sobrang takot. Nabalot din ng takot ang aking katawan pero mas pinili kong manatiling kalmado, siguro dahil na rin sa murang edad ko nangangapa pa ako kung ano ba talaga ang nangyayari.


Agad na tinawag ng aking mama yung mag asawang nakatira sa kabilang kwarto upang iparinig sa kanila ang voice tape na iyon... muli ay ni-rewind yung tape at pinatugtog...


Nandun pa rin ang boses ng matandang lalaki pero iba na ang kanyang sinasabi...


ppaaappppaaaa.... bbbbaaaakkkiiiittt mmmoooo aaakkkoooo iiiinnnniiiiwwwaaannnn..... (Sabay hinga ng malalim)... hhhaaaaaarrrrrrrrrrrr......”


Sa gulat ng kabitbahay namin ay nabitawan nya ang casette player at ito ay nasira. Di na kami pinagbayad kasi sya naman ang nakasira nung player nila pero yung tape ay di na namin muling nakita.


Mula noon ay sunod sunod na ang pagpaparamdam ng multo sa aming bahay. May mga pagkakataon na umaalis kami at pag dating namin ay magulo na ang mga gamit sa bahay namin... Hindi ito ang tipo ng gulong animo'y ninakawan, magulo dahil ang mga gamit namin ay mga wala na sa pwesto. Ang orasan namin at nasa lamesa sa may kusina imbes nasa dingding sa sala, yung bentelador naman ay umaandar ng hindi nakasaksak gayong wala naman kaming bintana para daluyan ng hangin, nababago ang pwesto ng mga upuan at kung ano ano pa.


May bata rin kaming nakikitang sumusilip mula sa aming pintuan habang kami ay nangangapit bahay at nung habulin namin ay naka lock naman ang pintuan namin kaya imposibleng mag karoon ng tao sa loob ng kwarto namin.


Di na kami nakatiis at tinanong na namin yung may ari ng bahay kung anong kwento meron ang kwarto na iyon at ganun na lang ang mga nararamdaman namin. Kinumpirma ni Mang Roger, may ari ng bahay na namatayan sila ng anak sa kwarto na iton ilang taon na ang nakakalipas. Namatay ang bata nung nahulog ito sa hagdan dahil wala itong kasama nung mga oras na iyon.


Agad naming pinabendisyunan ang kwarto na iyon... pansamantalang tumigil ang mga pagpaparamdam pero may pagkakataon pa ring nakikita pa rin ni mama ang bata na tumatakbo takbo paikot sa higaan naming magkapatid habang kami ay mahimbing na natutulog. Tawa daw ito ng tawa at sa gitna ng dilim ay bigla na lang mawawala.


Hindi na rin kami tumagal pa ng dalawang buwan at pinasya na lang nila mama na lumipat kami ng ibang tirahan. Sa pag aakalang ito pinakamabuting gawin upang i-iwas kaming mag kapatid sa mga kaluluwang ligaw... ngunit nag kamali sila... sa dami ng mga sumunod na kababalaghang nangyari sa aking buhay, napatunayan ko na nasa paligid lang natin ang mga kaluluwang ito... sa tuwing tumatayo ang ating mga balahibo, naririyan lang sila sa ating tabi. Nag mamasid at nag aantay ng pagkakataong makalabit ka at ipakita ang kanilang sarili...




Copyright © Untold Pinoy Stories August 11,2009
Got your own ghost experience? Email us at buchichay@gmail.com to share your stories.




0 comments:

 
Blogger Templates by Wishafriend.com